Hinihimok ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungan ang mas maraming residente sa mga lugar na lubhang nasalanta ng Super Typhoon Odette sa pamamagitan ng pagbibigay ng emergency employment sa kanila sa ilalim ng programa nitong Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Ayon kay Escudero, ang cash-for-work program ng DOLE ay dapat ituloy-tuloy sa mga rehiyon na nasapul ng Odette para makapaghatid ng kaluwagan at pansamantalang trabaho sa libo-libong residente, lalo na sa mga kabilang sa mga impormal na sektor na naapektuhan ng nagdaang super typhoon ang trabaho at kabuhayan, habang isinasagawa ang rehabilitasyon.
Ibinahagi ni Escudero ang kanilang karanasan sa Sorsogon sa kung papaano nakapaghatid ang TUPAD ng mga kinakailangang trabaho sa maraming residente na nawalan ng hanapbuhay at pagkakakitaan matapos salantahin ng typhoon Tisoy ang probinsiya noong 2019.
Kabilang sa mga naging trabaho ng mga tao roon ang paglilinis ng mga naging kalat dala ng bagyo, pagsasaayos ng mga baradong kanal, pagkuha ng mga basurang pang-recycle, at iba pang gawain na kailangan sa rehabilitasyon ng kanilang mga komunidad, dagdag ni Escudero.
“Sa TUPAD, you are hitting two birds with one stone, sabi nga. Nakakapagbigay na ito ng trabaho sa mga naging biktma ng bagyo na kailangan naman nila talaga, may hatid din itong pride and dignity sa kanila dahil kabahagi mismo sila sa pagbabangon sa sarili nilang mga komunidad,” aniya.
Noong Disyembre ng nakaraang taon, sinabi ng DOLE na naglaan ito ng Php100 milyon sa pag-rollout ng TUPAD para sa 25,000 informal workers sa mga rehiyon Western, Central at Eastern Visayas, CARAGA, at Northern Mindanao.
“Sana ay tuluy-tuloy lang ang TUPAD sa mga probinsiya at mga kabayanan na hinagupit ni Odette. Kagyat mang trabaho ito, ngunit laking tulong nito sa mga sinalanta upang may pagkakitaan habang katulong din sila at kabahagi sa pagbangon ng kanilang mga komunidad,” anang senatorial aspirant.