Kasama ang mga mamamayan ng Sorsogon, kami po ay nakikiisa sa pagdiriwang ng World Food Day 2021 ng United Nations na may temang “Our actions are our future- better production, better nutrition, a better environment and a better life.”
Napakaganda ng temang napili ng UN, sa pamamagitan ng Food and Agriculture Organization (FAO), para bigyang-diin ang kahalagahan ng seguridad sa pagkain. Ngayong panahon ng pandemya na dulot ng COVID-19, lalo nating napagtanto ang kahalagahan ng pagkain sa bawat hapag at ang kahalagahan ng kalusugan.
Nakikiisa po kami at buo ang suporta sa layunin ng UN para sa pagkakaroon ng sustainable agri-food system kung saan sapat, masustansiya, at ligtas ang mga pagkain na para sa lahat at sa presyong abot-kaya at kung saan walang nagugutom o nakakaranas ng malnutrisyon.
Makakamit natin mithiing ito kung ang pamahalaan at ang pribadong sektor ay patuloy na isusulong ang pag-unlad ng ating agrikultura. Sa araw na ito, tayo rin ay nagbibigay-pugay sa sa ating mga manggagawa sa sektor ng agrikultura, lalung-lalo na ang mga magsasaka.
Ang pagsusulong ng kapakanan ng mga magsasaka ay isang pagmamalas ng ating commitment sa seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng isang masiglang agrikultura at sa pagtiyak na hindi magugutom ang mga Pilipino ng susunod na henerasyon.