UKOL SA ARAW NG KALAYAAN

 

Ngayong araw, ating ipinagdiriwang ang Ika-127 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas, isang makasaysayang sandali na nagpapaalala sa atin ng ating mga bayani at ng matibay nilang paninindigan upang ipaglaban ang ating kasarinlan.

Sa pagwagayway ng ating watawat at paggunita sa mahalagang araw na ito, ating pinapahalagahan ang kanilang sakripisyo at ipinapakita ang ating patuloy na pagsulong sa kalayaan na kanilang ipinaglaban.

“Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan,” ang temang pinili ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) para ipaala-ala sa bawat Pilipino na ang ating kasalukuyan ay bunga ng ating nakaraan, at ang ating kinabukasan ay ating hinuhubog ngayon. Sa harap ng mga hamon ng makabagong panahon, kailangang mapanatili natin ang diwa ng demokrasya, pagtutulungan, at pagmamalasakit sa Inang Bayan.

Ngayon higit kailanman, dahil sa mga kaganapang politika sa ating bansa, napakahalaga ang pagkakaisa at pagtutulungan. Sa halip na pagbabatuhan ng sisi o pagkakawatak-watak, ating isulong ang paghilom para sa isang mas mas maliwanag na kinabukasan. Higit kailanman, dapat tayong magkaisa upang tugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan at itaguyod ang kaayusan at kaunlaran.

Ngayon ang panahon na pag-alabin pa ang sidhi ng pagmamahal sa bansa. Tayo ay magsama-sama para sa pagtataguyod ng isang bayan na nagkakaisa, nagmamalasakit, at patuloy na nagsisikap tungo sa isang Bagong Pilipinas.

Isang malaking hamon sa ating lahat ay ang maging tagapagtaguyod ng ating kalayaan, kinabukasan, at kasaysayan. Magsimula tayo sa simpleng paraan katulad ng paggalang sa isa’t isa, pagbibigay ng oportunidad sa ating kapwa, at patuloy na pagtindig para sa isang mas maliwanag na bukas.

Mabuhay ang malayang Pilipinas!