UKOL SA ARAW NI RIZAL

 

Ako ay kaisa ng buong bayan sa pagbibigay-pugay at paggunita ng ika-128 anibersaryo ng pagkamatay ni Dr. Jose Rizal, ang ating pambansang bayani. Sa araw na ito, ating pinapahalagahan at binibigyang-dangal ang kanyang buhay at mga kontribusyon sa ating kasaysayan.

Sa ating pagbalik-tanaw sa kanyang buhay, tayo’y pinaaalalahanan na ang bawat Pilipino ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pag-unlad ng ating lipunan. Si Gat Jose Rizal ay patuloy na nagbibigay liwanag at gabay sa atin upang magsikap na itaguyod ang karapatan at kapakanan ng bawat mamamayan. Nawa’y magsilbing inspirasyon ang kanyang kabayanihan upang tayo’y patuloy na magkaisa at magsikap para sa isang mas makatao at makatarungang lipunan.

Sa pag-alay ng kanyang buhay para sa Inang Bayan, nararapat lamang na ating ituloy ang kanyang mga adhikain para sa isang lipunan kung saan ang bawat mamamayan ay pantay-pantay, may karapatan, at may pagkakataon para sa mas maunlad at masaganang kinabukasan. Nawa’y patuloy nating tangkilikin at ipagbunyi ang mga prinsipyong kanyang pinaglaban para sa isang malaya at masaganang Pilipinas.