ARNOLD CLAVIO (AC): Sinimulan na ng Senado ang pagdinig sa panukalang Maharlika Investment Fund. Kabilang sa mga pinuna ang posibilidad na ang mga tax payer ang papasan oras na malugi ang sovereign fund. Kaugnay niyan makakapanayam natin si Senator Chiz Escudero. Senador, good morning.
SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Igan, Maris, sa ating mga tagasubaybay, magandang umaga po sa inyong lahat good morning.
AC: Pabor ba kayo o hindi sa Maharlika Fund?
CHIZ: Pinag-aaralan ko pa, Igan. Hindi ako tutol sa konsepto ng isang sovereign fund pero sana dapat ayusin naman nila ng maganda upang sa gayon makamit natin ‘yung ating layunin kung talagang gagawin natin ito at hindi ‘yung parang kumukopya lamang tayo sa ibang bansa para lang masabing may sovereign fund tayo. Habang hindi naman maliwanag sa economic managers kung para saan ba talaga ito at saan ba talaga manggagaling yung perang gagamitin para dito.
AC: Hindi ba tayo nangangamba, Senador, ang daming nalulugi rin na ibang bansa diyan sa sovereign fund na ‘yan?
CHIZ: Well, nandoon ‘yung pangamba palagi, Igan. Nandoon palagi ‘yung panganib na puwedeng mangyari at posibleng mangyari ‘yan. Kaya nga dapat pagpulutan natin ng aral ‘yung mga pagkakamali ng ibang bansa na nagkaroon na ng sovereign fund o mayroong sovereign fund ngayon para maiwasan natin ‘yung mga pagkakamaling nagawa o ginawa nila.
AC: Paano babaguhin ‘yung bersyon ng Senado lalo na ‘yung posibilidad daw po na tax payer ang papasan sakali raw malugi itong Maharlika Investment Fund?
CHIZ: Well, sa simpleng mga katanungan lamang hindi pa masagot ng mga nagsusulong nito. So marahil hindi talaga maipapasa ‘yang bersyon na ‘yan sa kulay, hugis at itsurang nakikita natin ngayon bersyon man ng Senado ngayon o bersyon ng pinasa ng Kamara. Kaugnay ng pagpasa ng mga nagbabayad ng buwis, sa dulo naman, Igan, anumang pondo ng pamahalaan nanggagaling ‘yan sa buwis na binabayaran ng sambayanan. At nalulungkot ako dun sa mga nagsasabing Php1.3-T ang pondong puwedeng pautang ng Landbank, Php800-B ang puwedeng pautang ng DBP. Ito’y Php50-B lamang naman. Ito’y Php100-B lamang naman. Para sa akin, Igan, piso man o isang libo o isang daan o limampung bilyon, pare-parehong pondo at galing sa kaban ng bayan ‘yan na dapat pangalagaan ng mga opisyal ng pamahalaan.
AC: Napuna niyo ‘yung parang hindi balanse ‘yung bilang ng kinatawan sa board na hindi katumbas ‘yung porsyento ng hihinging kontribusyon dito.
CHIZ: Ito’y taliwas sa konsepto ng isang korporasyon na nais nga nilang patakbuhin bilang parang pribadong korporasyon ‘yung Maharilika Investment Corporation. Dapat naman talaga kung magkano yung kinontribute mo ‘yon din ang parte mo sa pagpapatakbo ng kumpanya. So, kung Php50-B ang kontribusyo, halimbawa, ng Landbank sa isang Php100-B kabuuang pondo ng Maharlika Investment Corporation, hindi ba dapat lamang 50% ng members ng board ay manggaling din sa Landbank, 25% dahil Php25-B naman ng kontribusyon ng DBP manggaling din naman sa DBP? Ang ginawa nila sa panukala naglagay pa ng mga pribadong kinatawan doon sa board na ni piso ay wala namang kinontribute sa board ba’t sila magkakaroon ng say kaugnay sa kung ano at saan i-invest ang pera ng MIC o MIF.
AC: Opo, pakipaliwanag po Php25-B Development Bank of the Philippines manggagaling, Php50-B nabanggit niyo nga Landbank of the Philippines. Ano raw puwersahan po ba ito?
CHIZ: Tila kasi, Igan, ang nakalagay sa mga panukalang batas na inaprubahan man ng Kamara o sa panukala sa Senado walang garantiya o sinasabi o binabanggit man lang na balik-puhunan ng Landbank at DBP ‘yung tinatawag nating return on investment. Ang sinabi na lamang ng economic managers noong aming tinanong ay “ay oo nga pala dapat ilagay rin ‘yan diyan.” Dapat mula’t mula nakalagay na po ‘yon dun. Sinabi ng Landbank na kumikita sila ng 4% kulang-kulang kada taon sa kanilang investment. Sinabi ng DBP kumikita sila ng 7% sa kanilang mga investment. Ang pagbili ng government bond o government security garantisado ng pamahalaang babayaran sila ng 6% kada taon. Tapos dito sa panukalang batas walang binabanggit slilensyo kaugnay sa return on investment ng dalawang bangkong ito.
AC: Papaano po natin ipapaliwanag ito sa mga farmer beneficiaries na matagal na ring humihingi ng tulong?
CHIZ: Well, ang paliwanag, Igan, ay ‘yung sinusulong ko noon pa. Amyendahan ang batas at payagan at pahintulutan ang Land Bank at magpahiram ng sobra sa tinatawag na capital regulatory requirements ng Bangko Sentral. Sa mahabang panahon, Igan, sinusulong sa Senado. Halimbawa, payagan ng Land Bank of the Philippines dahil nilikha naman talaga ‘yan para sa sektor ng agrikultura na magpahiram hanggang 70% ng kanilang loanable funds. In actual terms, pitumpung porsiyento ng Php1.3-T na loanable funds ng Landbank of the Philippines hindi ito pinapayagan Igan ng Bangko Sentral dahil masama raw at mali ilagay ‘yung napakalaking pondo sa iisang sektor lamang. Subalit sa isyu ng MIC ng MIF tila tumitingin sila sa ibang dereksyon at walang nakikita kaugnay sa paglagak ng limampung bilyon sa iisang kumpanya lamang.
AC: Opo. Pero kung ang magbabayad ‘pag nalugi ang taxpayer ay ‘yung naging dahilan pagkalugi ‘yung mismanaged nito, may parusa ba ‘yan?
CHIZ: Meron Igan, pero tulad ng sinabi ni Senator Risa, tila mababa iyung parusa kumpara sa nakatayo nang batas at pinaiiral na batas kaugnay ng plunder law. Sang-ayon sa plunder law ‘pag ikaw ay kinamal na yaman o ninakaw na yaman sa halaga ng Php50-M habambuhay na pagkakabilanggo ang parusa. Pero ‘yung mga parusang inilatag dito sa mga panukalang batas malayong mababa doon sa sinasaad na plunder law na habambuhay na pagkaparusa sa bilangguan dahil Php50-M, Php100-M ang pinag-uusapan dito hindi lamang Php50-M sa ilalim ng Plunder Law.
AC: Senador, kumpirmado ramdam ‘yung aura mo. Maganda talaga nakahahawa.
CHIZ: Sabi ko na, Igan, hindi ka magpapalampas.
AC: May ibabahagi ka ba sa akin, Senador?
CHIZ: Wala, Igan. Maski ako nagulat sa ginawa ng aking mga kasamaha. Ika nga, unawain na lamang natin sila dahil marahil hindi nilalaman ang kanilang sinasabi at ginagawa noong araw na iyon.
AC: Tutal naman Pebrero ay buwan ng pag-ibig, may mensahe ka ba kay Heart Evangelista?
CHIZ: Well, advance happy birthday dahil magdidiwang ng kaarawan ang aking asawa ngayong buwang ito sa araw din ng mga puso sa Valentine’s Day.
AC: May Valentine’s date ba kayo na plano?
CHIZ: Meron pero dito lang sa siguro sa bahay kasama ang pamilya niya, pamilya ko at mahal naming sa buhay.
AC: Regards sa kanya. Maligaya akong nakikita ko ulit ngiti mo.
CHIZ: Maraming salamat, Igan. Maraming salamat televiewers.
AC: Maraming salamat.
CHIZ: Goodbye, magandang umaga po.
AC: Senator Chiz, ingat!