UNANG HIRIT

 

ARNOLD CLAVIO (AC): Nais paimbestigahan ng ilang mambabatas ang pagdami umano ng Chinese students sa Cagayan province at kaugnay niyan makakapanayam natin si Senator Chiz Escudero ang chairman ng Higher, Technical and Vocational Education Committee ng Senado. Magandang umaga, Senator Chiz.

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Igan, magandang umaga sa iyo. At ating mga tagasubaybay at televiewers, magandang umaga din po. Good morning.

AC: Sabi ni Teresita Ang See, racist at sinophobic ang nagpapalaki ng issue ‘yan tungkol sa pagdami umano ng Chinese students sa Cagayan. Anong reaksyon niyo dito sa sinabi niya?

CHIZ: Well, naniniwala akong may punto si Gng. See, dahil alam mo, Igan, ang kalaban natin, ika nga, o katunggali natin o kaagaw natin sa West Philippine Sea kabilang ang Malaysia, Vietnam at Taiwan at ibang bansa pa sa Southeast Asia subalit tila medyo nakatuon ang pansin natin sa mga Chinese lamang. Pangalawa, para sa akin kung may problema man, ‘di maghain ng reklamo dahil may issue ng academic freedom diyan sa mga paaralan diyan sa Cagayan kung panghihimasukan natin basta-basta at sasabihin na lamang natin na binabayaran ‘yong kanilang diploma. At pangatlo, sa totoo lang, Igan, immigration problem ito, hindi ito CHED problem. Dahil unang-una, bakit pinapasok ng BID, ng Bureau of Immigrations sa ilalim ng Department of Justice ‘yan kung talagang iba ang balak at hindi naman talaga para mag-aral at gumastos ng ika-nga student dollars dito sa ating bansa.

AC: Pero ang pinag-uusapan kaya China, sila’y nasa exclusive economic zone. Sila’y nag-iisa doon, Senador.

CHIZ: Sila ang may kakayahan magtayo ng base, tama ka, Igan. Pero ‘yung may claim sa mga lugar na ‘yan kabilang ang iba pang bansa tulad ng binaggit ko, kabilang ang Taiwan, kabilang ang Vietnam, kabilang ang Malaysia. Kaya n’ong nanalo tayo sa the Hague sa isang arbitral ruling. Actually, hindi lamang ‘yon laban sa China, ‘yon ay laban sa ibang claimant countries din. Gaya ng sabi ko, kabilang ang Vietnam, Taiwan tsaka Malaysia.

AC: Base sa mga ulat na natanggap niyo, alarming ba itong bilang ng Chinese students, pa-iba-iba ‘yong bilang ‘no. May kakaiba po ba rito sa influx nila diyan sa Cagayan?

CHIZ: Kung papipiliin mo ako, Igan, sa totoo lang mas gusto kong i-akit o akitin ang mga dayuhan na mag-aral dito kaysa ipadala natin ‘yong mga teacher natin sa ibang bansa. Mas gusto ko na gastusin ng mga dayuhan ‘yung student dollars, ika nga, dito kaysa gastusin nung mga kababayan natin bilang OFW ‘yung kanilang teacher dollars sa ibang bansa. At kung talagang may duda na mga espiya ‘yan bakit hindi ginawa ng Bureau of Immigrations ang kanilang trabaho?

Katulad lamang ‘yan, Igan ng problema sa POGO. Reklamo sila ng reklamo na ang dami raw Chinese sa POGO, ang tanong ko paano ba nakapasok ‘yan dito? Bakit pinayagan ba ‘yan ng BID at sino ba ang kumite diyan kung saka-sakali sa ilalim at sa loob ng BID? Ang masakit dito, napakaluwang tila nila sa pagpapapasok ng mga Chinese nationals sa ating bansa at kung gaano sila kaluwang sa pagpapapasok ng Chinese nationals sa bansa ganoon naman sila kaistrikto pagdating sa offloading ng mga kapwa nating Pilipino na nais mangibang bansa. Hindi ba dapat istrikto tayo sa pumapasok sa ating bansa at mas maluwang tayo sa mga lumalabas sa ating bansa dayuhan man o kapwa nating Pilipino?

AC: So, Senator Escudero sa tingin niyo walang dapat ikabahala, ikaalarma ang publiko na parang ituring silang espiya o sleeper cells.

CHIZ: Sa ngayon, wala pa, Igan. Maliban na lamang kung may sapat ng katibayan o ebidensya pero kung ang basehan lamang ay may base sila sa West Philippine Sea. May issue tayo ngayon sa bansang Tsina kaya malamang espiya ang mga ‘yon, dapat ipagbawal ‘yang mga ‘yan hindi siguro dapat ganoon at may basehan ang pangamba ni Gng. See. Subalit kung may sapat na ebidensya na nagtuturo at nagpapatunay dito, ibang usapan na ‘yon, Igan.

AC: Kapag natuloy ang imbestigasyon ng Senado, saan po sesentro, ano direksyon nito?

CHIZ: Ang uunahin dapat ay ang Bureau of Immigrations kung talagang walang patunay at ebidensya ang mga Chinese nationals na ‘yan na mag-aaral dito na tinanggap sila sa pag-aaral dito ay bakit nila pinapasok o nag-apply lamang n’ong dumating na dito.

AC: Maraming salamat Senator Chiz Escudero. Ingat po.

CHIZ: Igan, maraming salamat at magandang umaga sa inyo. Sa ating mga taga-subaybay, good morning.