ARNOLD CLAVIO (AC): Kaugnay sa pagbabago ng liderato at iba pang isyu sa Senado, makakapanayam natin si bagong Senate President Chiz Escudero. Magandang umaga po, Senador Escudero.
SENATE PRESIDENT FRANCIS ‘CHIZ’ G. ESCUDERO (CHIZ): Igan, good morning. Sa ating mga televiewers at tagasubaybay, magandang umaga po. Good morning.
AC: Mag-iisang linggo na mula ng ika’y naupo bilang Senate President, kumusta na po ang bago niyong responsibilidad?
CHIZ: Well, mas malawak, Igan, hindi pa ako tapos kilalanin at bisitahin ang iba’t ibang opisina sa ilalim ng Office of the Senate President sa loob ng institusyon ng Senado. Inaasahan kong magagawa ko ‘yan sa araw na ito upang malaman ko ang binubuo na problema kung meron man na kailangan resolbahan bilang bagong taga-pangulo ng institusyon na ito.
AC: Aminado po kayo na kayo po ang nag-initiate para mapalitan si dating Senate President Migz Zubiri. May pagkukulang ho ba siya at bakit gusto niyong agawin sa kanya itong posisyon na ito?
CHIZ: Sa dulo, Igan, ang tanging rason at dahilan para magkaroon ng pagpapalit o pagbabago sa liderato ng Senado, ngayon man o dati ay iisa lamang. Kakulangan o kawalan ng kumpiyansa ng mayorya ano man ang indibidwal na dahilan ng bawat isa na bumuo nung labing-lima na naghiling ng pagbabago sa Senado, orihinal na labing lima kawalan pa rin ng kumpiyansa o kakulangan ng kumpiyansa sad ulo ang pinakadahilan niyan.
AC: Totoo bang malaking factor daw ‘yung naging kondisyon ni Senador Bong Revilla kaya ‘yung mga sinasabing celebrity-senator o artista ay pumabor para siya ay palitan?
CHIZ: Kung makikita niyo ‘yung mga video, Igan, ako at si Senator Joel Villanueva ay kumampi at sumang-ayon sa posisyon ni Senator Revilla. Bakit magkaiba ang boto naming sa panguluhan ng Senado kung ‘yan nga ang basehan?
AC: So ano ang basehan, Senador?
CHIZ: Gaya ng sinabi ko, Igan, kawalan ng kumpiyansa at kakulangan ng kumpiyansa, sa dulo ‘yon ang laging dahialn.
AC: Saan ho siya nagkulang, Senador?
CHIZ: Kumpiyansa, Igan. Uulitin ko sama-sama na ‘yan kung ano man ang indibidwal na dahilan ng bawat isa. Matagal naman ng may balita kaugnay niyan. Nagsimula pa lamang ng taon kung naalala mo, Igan meron ng ugong-ugong kaugnay sa pagpapalit ng taga-pangulo ng Senado.
AC: Opo. Parang nahati daw po ‘yung Super Majority sa mga taga-suporta ninyo at taga-suporta ni Senator Zubiri. So makakaapekto daw ba ito sa komposisyon ng Majority at Minority o may tinatawag pang “Strong 7”?
CHIZ: Hindi ko alam, Igan. Pasya ‘yan ng indibidwal na Senador. Ikinagulat ko lamang, at marahil ng ilan din, akala ko kasi may “Strong Majority” din naman noon sa ilalim ng liderato ni Senate President Zubiri. Nagulat na lamang kami nitong mga nakaraang araw, sa kabila pala ng solid majority at strong majority ng 22 ay meron din palang 6 o 7 sa loob nun na hiwalay na grupo. Nung ako’y nanumpa ang talumpati ko, Igan iisa ang tingin ko sa Senado Majority man o Minority at wala akong titignan o tinitignan na grupo mo o grupo ko. Iisang Senado ang tingin ko at lahat sila ay miyembro ng Senado ang tingin ko.
AC: Dapat. OK. Senador, kumusta ang relasyon niyo ni Senador Zubiri nakapag-usap na ba kayo after ng kudeta?
CHIZ: Ilang beses kaming nakapag-usap, Igan, at ‘yung kudeta—sanay lang naman ang media na tawagin ‘yan pero nagkaroon ng mapayapang pagpapalit. Pinuntahan namin ni Senator Cayetano si Senator Zubiri sa kanyang tanggapan pero alam naman na niya na merong sapat na boto para magkaroon ng pagpapalit ng liderato. Kaya nga naging mapayapa yung transition bago kami nagtapos ng sesyon sine die.
AC: Anong gawa ng media, ikaw nga ang nag-initiate.
CHIZ: Oo ‘yon ang tawag palagi, pero kung (inaudible) biglaan, walang usapan, ginulat. Hindi naman ganoon.
AC: OK.
CHIZ: Nagkaroon nang matino at maayos na usapan at matino at maayos din na turnover kung inyong napanood.
AC: Sa relasyon niyo sa Kamara, kumusta nagkausap na ba kayo ni House Speaker Martin Romualdez? May mga issue kagaya ng Charter Change at iba pa.
CHIZ: Hindi pa. Hindi pa kami nagkakausap ng personal, bagaman binati na niya ako at nag-congratulate na noong nakaraang linggo at nagkasundo magkikita pero hindi pa nagaganap o nangyayari ‘yun, Igan.
AC: Sa matagal mo ng posisyon sa Charter Change masasabi bang death penalty na ito?
CHIZ: ‘Yan ang personal kong posisyon hindi nagbabago yun, Igan at kung maalala mo maski ‘yung RBH 6 at 7 ay hindi rin ako sang-ayon dun at kahit na ‘yung unang pagdinig lang in-attend-an ko. Hindi na ako sang-ayon sa ginawang pagdinig nila Senate President Zubiri. ‘Yung pinakahuli ata nila ay sa Baguio na ang nag-attend ay si Senate President Zubiri, Senate Pro-tempore Legarda at ‘yung tinalaga nilang chairman na si Chairman Angara. Personally, hindi ako sang-ayon doon dahil hindi maliwanag na hiwalay ang botohan ng Senado at ng Kongreso.
AC: OK. Opo. Divorce Bill?
CHIZ: Hindi pa pinapadala sa amin, Igan, dahil nga pending pa sa Kamara kaugnay ng bilang ng bumoto na in-adjust yata makalipas ang isang araw. Sa Senado, pending ‘yan sa Committee on Rules ang personal kong desisyon sa bersyong ‘yan tutol ako pero kung tatanggapin ang ilang panukalang amendment maaaring magbago ang posisyon ko pero sa ngayon sa bersyong ‘yan, hindi ko masusuportahan ‘yan. Pero liwanagin ko, Igan, kadalasan sinasabi na kapag ang Senate President ay tutol sa isang panukalang batas, wala ng pag-asang pumasa ‘yan. Hindi ‘yan ang pananaw ko. Sa labing-apat na taon ko sa Senado at Kongreso, ni minsan hindi ko inangkin ang pagkakapasa ng isang batas na galing at dahil sa akin. Dahil iisang libro lamang ng Senado puwedeng pigilan ang pagpasa ng batas. So isa ang boto ko, kung tutol man ako may 23 pa na kung ‘yan ang gusto ng mayorya. Conscience vote ang tingin ko pagdating sa divorce kung ano man ang gusto ng mayorya, ‘yan ang masusunod sa Senado.
AC: Opo. Kamusta na po si Heart Evangelista sa kanyang malawak na responsibilidad din, Senador?
CHIZ: Well, hindi niya gaanong alam pa na automatic pala na siya ang taga-pangulo din ng Senate Spouses Foundation. Magkakaroon yata sila ng meeting ngayong linggo para pag-usapan yung responsibilidad niyang ‘yon na tiwala naman ako at buo din ang kumpiyansa niya na magagawa niya sa gitna at sa kabila ng kaniyang schedule sa inyo sa GMA, Igan.
AC: Syempre. At ano ang pinayo mo nang nag-panic siya?
CHIZ: Na chillax lang ‘wag niya masyadong taasan ‘yung kanyang pressure na may gawin o kung ano lang ang kaya ‘yun lang. Ganoon lang naman talaga ang buhay kung ano ang kaya ‘yun ang gawin mo.
AC: ‘Yung health mo, kumusta na pala?
CHIZ: OK naman, Igan, ang blood pressure ko ay 100 over 60 kanina. Paggising ko ganoon na ‘yan.
AC: Nung nag-Senate President ka, tumaas ba?
CHIZ: Ganoon pa rin, Igan. Hindi naman nagbago ngayon nga ang blood pressure ko, 100 over 60 dahil kagigising lang.
AC: Ingatan mo ‘yan at kailangan ka sa Senado. Maraming salamat, good luck and God bless, Senador at Senate President Chiz Escudero
CHIZ: Salamat, Igan. At sa ating televiewers, good morning.