CELY BUENO (CB): Hi, Sir. Magandang hapon!
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Cely, magandang hapon sa iyo at sa lahat ng ating televiewers at tagasubaybay magandang hapon din po sa inyong lahat.
CB: Dapat ho kaninang 12 ‘o’ clock newscast natin i-interviewhin si Senator Chiz kaya lang na-late ‘yung dating ng kanyang eroplano. Saan ka galling, Sir?
CHIZ: Galing Sorsogon, Cely.
CB: Sorsogon na kung saan free-for-all sabi niyo sinumang kandidato ay libre mangampanya doon sa inyong lalawigan. Tama ba, Sir?
CHIZ: Hindi lamang libre mangampanya, Cely. Binuksan namin ang pinto, hino-host pa nga namin sila. Halimbawa, kahapon ang bisita namin si senatorial candidate Greco Belgica at senator candidate Rey Langit. Bagaman pareho kaming tumatakbo sa pagka-senador, hinost namin dahil ang paniniwala ko dapat lamang na makilala ng aming mga kababayan ang mga tumatakbo. Para makapili sila ng maayos at husto at para makilala rin naman nung mga kumakandidato kung saka-sakali sila ay palarin yung mga aming lalawigan at mga kababayan.
CB: Sir, bago doon sa mga ilang isyu belated Happy Valentine’s at gayundin ang Happy 7th Wedding Anniversary sa inyo ni Heart. Kumusta daw po mukhang marami kayong pinakilig doon sa mga fans niyo dahil doon daw sa mga sweet message at photos niyo sa Instagram.
CHIZ: Siguro pinapatunayan lang namin Cely na hindi totoo ‘yung kasabihan kaugnay na sa kati sa ika-pitong taon or ‘yung seven years itch. Maayos ang samahan namin, awa ng Diyos. At nandoon pa rin ‘yung miss at gigil na madalas na mawala sa isang relasyon sa pagitan ng mag-asawa.
CB: So kinikilig pa rin kayo Sir kahit pitong taon na?
CHIZ: Kasi hindi rin kami ganoon kadalas nagkikita Cely ang dami niyang ginagawa. Ako din naman nasa probinsiya madalas, so ‘yung panahon na hindi kami magkasama naging maganda para sa amin ‘yun para, ika nga, pagnagkita kayo parang ganoon pa rin tulad ng dati. Naks, love advice na.
CB: So na-survive niyo ang seven, ibig sabihin tuloy-tuloy na ‘yon? Ganoon ba iyon, Sir?
CHIZ: Sana. Iyon naman ang panalangin ng lahat ng kinasal, may asawa, may pamilya na mapanatiling malakas, matatag at buo hindi lang ‘yung relasyon pati pamilya nila o namin.
CB: Sir, nangampanya si VP Leni sa Sorsogon sabi niya hindi na siya nanghihinayang kung iwan niyo na ang inyong lalawigan dahil sa dami na daw po ng inyong nagawa sa loob lamang ng tatlong taon bilang gobernador. Sabi niya, mas kailangan daw ho kayo sa Senado.
CHIZ: Nagpapasalamat ako sa kumpiyansa ni Vice President Leni Robredo sa aking kandidatura. Pero Cely, iyon din naman ang rason kung bakit ako nagpasya muling tumakbo. Kahit gaano kagaling ang gawin ko sa aming lalawigan, kahit anong tumbling at pagsi-circus ang gawin ko may hangganan yung mararating naming pag-angat kung ang buong Pilipinas ay hindi rin naman aangat. Rason kung bakit muli kong inaalay ang aking nalalaman, ang aking karanasan, kung anumang karunungan ang meron ako sa muli pagbangon at pag-angat ng ating bansa. Dahil hindi kakayanin na kami lamang ang aangat may hangganan palagi iyun.
CB: Meron ka pa bang gustong gawin considering na ang sabi nga halos napagawa niyo na ‘yung magagandang gusali at kalye pang ISO pang international standard na daw ‘yung pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon?
CHIZ: Well, tama ka Cely na-ISO namin ang bawat departamento ng pamahalaang panlalawigan kabilang na ang siyam naming mga hospital at sumunod sa tugtog, ika nga, o sayaw ‘yung mga ibang LGUs namin. Sa ngayon ang City of Sorsogon at anim pang ibang munisipyo o LGU ay ISO 9001-2015 certified na rin. Umaasa ako na sa loob ng taong ito mga tatlo pa ang kakayaning ma-certify. So, kami na siguro may pinakamaraming ISO-certified na LGUs sa mga probinsya sa bansa.
Ang nais kong tapusin Cely ay ilang bagay pa. ‘Yung aming sports coliseum na ginawa namin pang-host ng Palarong Pambansa. ‘Yung aming apat pang hospital na tinatapos, out of nine tapos na ‘yung lima. At ‘yung pagtiyak, pinakamahalaga pagtiyak ng anumang nagawa, sinimulan at pagbabagong na-initiate namin sa lalawigan ay magpapatuloy hanggang sa susunod na gobernador at susunod na administrasyon para hindi na kami bumalik doon sa dating gawi, sa dating ugali kung saan ika nga puwede na ang puwede na. Hindi na dapat puwede na ang puwede na.
CB: So, Sir kahit ‘yung tatlong taon para sa iba, napakaikli at nagrereklamo. Pero in three years, ang dami pa lang puwedeng magawa kung talagang ikaw ay seryoso sa iyong trabaho.
CHIZ: Maari ang nagsasabi Cely, ang tatlong taon ay maikli para sa isang mabuti at magaling na lider. Ang tatlong taon naman ay napakahaba sa isang masama at abusadong lider. Madalas ko sabihin ‘yan, sa tatlong taong termino ng ating mga opisyal sa pamahalaan.
CB: Sir, ngayon naman po may mainit na pinagdedebatihan, pinag-uusapan itong “Oplan-Baklas” ng COMELEC kasi hindi lang doon sa mga common na poster area na itinalaga doon na nagbabaklas kahit sa mga private property like sa bahay o kaya ay sa mga establishment ng mga private property ay kanila ho walang patawad. Tinatanggal din po kung hindi raw naaayon ata ito doon sa size ng poster o tarpaulin. Bilang isang mahusay na abogado, tama po ba o kuwestiyonable itong ginagawa ng COMELEC?
CHIZ: Maliwanag na mali ang ginagawa ng COMELEC Cely, dahil maliwanag din naman ang batas maski ano ang regulasyon na inisyu nila. Ito’y na-interpret ng Korte Suprema na maliwanag nilang sinabi. Titigil yung “Oplan-Baklas” at ‘yung probisyon kaugnay sa common poster area kung may kaugnayan na ‘yan freedom of expression at freedom of speech ng ating mga kababayan na garantisado sa ilalim ng bill of rights ng Saligang-Batas.
So halimbawa Cely, naglagay ako ng magnet ng kandidato ko sa aking sasakyan. Freedom of expression at speech ko ‘yon. Pribadong sasakyan ko ‘yon. Sige, hindi siya common poster area pero walang karapatan ang COMELEC ipatanggal ‘yon at tanggalin ‘yon dahil sasakyan ko ‘yon at pribadong pagmamay-ari ko ‘yon. Kung gusto kong pinturahan ng pink, red, green, blue, depende kung sino ang kandidatong sinusuportahan mo ‘yung pader mo, wala rin silang karapatan pakialaman ka doon. Freedom of expression at freedom of speech din ‘yon.
‘Yung “Oplan Baklas” dapat nag a-apply lamang ‘yan kung wala sa common poster area pero nasa pampublikong lugar, halimbawa simbahan, palengke, terminal, munisipyo at iba pang pang publikong gusali ‘yon ang puwede panghimasukan ng COMELEC at sabihing “bawal ‘yan! Hindi pupwede ‘yan!” Pero kung naglagay ka lalo na kung pasok naman sa sukat, Cely, ng poster sa iyong bahay 2 x 3 ‘yung pinapayagan nila, 3 x 8 kapag headquarters wala silang Karapatan tanggalin ‘yon. Sa katunayan kaya nagsusulputan ang mga headquarters sa iba’t ibang munisipyo at barangay sa ating bansa dahil exemption sa poster size ng COMELEC, pwede ka maglagay ng napakalaking poster basta’t headquarters mo ‘yung pinaglagyan ng malaking poster na ‘yun.
CB: Pero ang sinasabi ng COMELEC may consent naman daw sa may ari bago nila binabaklas, humingi muna sila ng permiso.
CHIZ: Siyempre, Cely, ‘pag nilapitan ka ng pulis, nilapitan ka ng may ID ng COMELEC, sinabihan kang babaklasin naming ito, ano makikipagaway pa ba? Hindi naman lahat ng tao nakikipagaway, papayag, wala na lang gulo. Ang ugaling Pilipino, ika nga, ay hindi naman palaaway talaga so papayag na lamang iyon imbes na magkagulo pa. Pero kaya at puwede nilang ibalik ‘yun matapos ‘yan basta pribadong pag aari nila ‘yun at hindi naman pampublikong lugar. Halimbawa mga state universities at colleges, mga public elementary schools and high school, ‘yun puwede silang magtanggal talaga basta’t hindi ito identified as common poster area.
Pero Cely, sa dami nang dapat asikasuhin ng COMELEC, ‘yung balota nga yata ni hindi pa naayos na maimprenta ng maayos. May mga disqualification cases pang pending sa COMELEC, may hacking tsaka security issues at mga problema kaugnay sa automated election natin. May pangamba na baka mag brownout dahil kulang na ang suplay ayon na sa DOE ng kuryente pagdating ng summer na tatamaan ang May 9 Elections. Mas asikasuhin muna sana nila ‘yung mga bagay ‘yan imbes na kung anu anong away ang pinapasukan nila na may kinalaman sa mga napakaliit na mga bagay.
CB: Meron lang akong narinig na isang argumento na isa ding abogado, ‘yung freedom of speech daw ay hindi absolute at kinakailangan daw i-balanse ‘yun ‘dun sa parang dapat ay i-level ‘yung playing field na lahat na magkaroon ng access sa ‘yung kampanya kung baga hindi lang…parang may ganong opinion, Sir.
CHIZ: Cely, tama siya. ‘Yung freedom of speech merong hangganan. Ang isang halimbawa ng hangganan ay libel. Puwede ka magsalita hanggang gusto mo, kung ano ang nasa isip mo pero may hangganan ‘yon, kung ikaw na ang nanglalait, nangiinsulto at nakakasama na sa kapwa, ‘di sige, puwedeng limitahan ‘yan maliwanag sa batas natin ‘yon. Pero kung maglalagay ako ng poster sa bahay ko, paano non maapektuhan ang karapatan ng ibang tao? Bawat isa naman puwede maglagay ng poster kung gusto din nila. So, sa parting ‘yon pantay naman lahat ng tao. Malaki man o maliit ang bahay, pwedeng maglagay ng poster dahil 2×3 lang naman ang poster, ‘yung sticker nga ilang inches lamang ang laki. So hindi po kinakailangang gamitin ‘yung ganitong argumento na hindi naman sa pananaw ko aplikable sa bagay na ito.
CB: Naku, ang dami kong gustong itanong pa sa inyo, Sir, i-follow up kaso limited ‘yung oras na allowed akong magtanong sa inyo.
CHIZ: Game! Hindi Cely, OK lang.
CB: Limited ‘yung oras ko baka makuwestiyon ako. Dapat habaan niyo ‘yung oras na gusto niyo na ma-interview ko kayo. Sir, panghuli na lang po, noong last year about Php11.7 trillion na ang utang ng ating bansa. Bilang isang beteranong mambabatas at mahusay din na local executive, ano sa tingin niyo ang pwedeng gawin ng susunod na administrasyon para mabayaran ‘yong utang and at the same time mapondohan o matustusan ‘yung gastusin ng gobyerno nang hindi po kinakailangan na magpataw ng buwis lalo sa mahihirap nating kababayan?
CHIZ: Hindi talaga. Ang pinakahuli mong gustong gawin sa isang pandemya habang ikaw ay nagre-recover ay magtaas ng buwis. Maraming puwedeng pagkunan ng pamahalaan. Una, tiyakin na ang collection efficiency ay mas maganda, iwasan ang korapsyon na nakikita nating nangyayari sa BIR, sa Bureau of Customs. Pangalawa, timbangin kung ano ang mga asset ng pamahalaan na pwedeng ibenta, one time revenue nga lang ‘yon, ika nga. Pangatlo, ikonsidera ng seryoso at wala pa akong naririnig na presidentiable na nagsalita din kaugnay nito.
Ang agresibong pagpupursige ng PPP (Public–private partnership) o ng BOT (Build–operate–transfer) dahil puwedeng pagkunan ng pondo ‘yan para magpatuloy ang ‘Build, Build, Build’ program ng ating pamahalaan. Imbes na ngayon na halos lahat ay pinondohan ng pamahalaan at inistriktuhan ng pamahalaan ang PPP. Gusto nila sila ang gumawa ng feasibility study, gusto nila sila magpa-bid out. Dapat buksan ito para mas marami pang pribadong kompanya ang pumasok sa infrastructure development program kabilang na ang energy sustainability natin dito sa ating bansa. Ngayon kapag medyo nakukumpleto na natin doon na lang medyo higpitan uli ‘yong gripo ika nga para hindi naman maubos ng pribadong sektor at kailangang bayaran ang bawat kalyeng dadaanan dito sa ating bansa.
Pero napakalaking bagay ng pribadong sektor Cely dahil nung pandemya, hindi sila gumastos ng gaano sa katunayan napakaraming perang puwedeng hiramin sa mga bangko ngayon, wala lang mapahiraman. Pero ang PPP ay isang garantisado halos na kontratang papasukan ng pribadong sektor na tiyak ko palaging papautangin sila ng mga bangko, pampublikong bangko man o pribadong bangko.
CB: Puwedeng pang pangulo talaga itong si Senator Chiz.
CHIZ: Ng PTA.
CB: Sir, bitin. Ang dami ko pang gustong itanong kaya lang baka makuwestiyon ako ‘pag pinaabot ko kayo ng…lumagpas na nga ako doon sa oras ko. Hayaan ninyo, next time. So, Sir wala kang ini-endorso na presidentiable?
CHIZ: Sa ngayon, wala pa Cely, dahil ayoko pang pigilan. Ayokong maging pihig, ika nga. iyong aking mga kababayan sa kung sino man ang napupusuan nila. Ako lang kasi Cely, ang tumatakbong senador na nakaupong gobernador. Ako lang ang tumatakbong senador na ama ng isang lalawigan at sa pamamagitan ng isang pag-iendorso ay ayokong masabi nilang ginagawa ko ito sa personal kong interes dahil kapartido o kalinyada o in-adopt ako.
Gusto kong makilala na muna nila ng lubusan ang lahat at gusto ko walang magdalawang-isip na kandidatong pumunta at magtungo sa amin at bibigyan namin sila ng maximum exposure, ika nga ng pantay at pareho para makilala sila ng aming mga kababayan bago ako pumili at bago din sila pumili pagdating ng araw ng halalan.
CB: So, Sir, eventually, may i-endorse ka before the election?
CHIZ: Or eventually, pagdating naman sa dulo, Cely, lahat tayo may iboboto. Ikaw, bakit secret balloting pa. Ikaw, ipapakita mo ba iyong ibinoto mo? At ganoon din sa marami sa ating mga kababayan. Pero, malamang sa dulo kasi Cely, kung titingnan mo nasa edad na ako, ikaw din. Nakilala natin lahat ng tumatakbo – personal na kilala. Noon, hindi naman. Noon, naririnig mo lang. Siguro, hindi po pa nakikita ng personal. Ito, lahat ng tumatakbo, kilala kong personal, naktrabaho ho. Ang ilan sa kanila ay itinuturing kong kaibigan. So, hindi naman talaga ganoon kadali ang pumili.
Pangalawa, wala pa namang nagsasalita pa talaga ng kongkreto at kumpletong plataporma nila kaugnay sa gagawin nila sa ilang problemang mabibigat na kinakaharap ng ating bansa. Sa ngayon, puro sagot pa lamang sa tanong ng mga interview ng mga forum, ng mga debate. Pero, wala pa talagang naglahad ng kongkreto at kumpletong plataporma kung sila ang mananalo. Kung ano nga ba ang gagawin nila sa ekonomiya. Ano nga ba ang gagawin sa problema natin kaugnay sa mga kalamidad. Ano nga ba ang gagawin nila kaugnay sa problema natin sa seguridad- sa loob man o sa loob ng ating bansa. Sa West Philippine Sea, halimbawa. Ano ba ang kanilang patakaran kaugnay sa problema natin sa enerhiya, sa kalikasan. Wala pa naman talagang naglalahad ng kongkretong plataporma.
Inaasahan natin iyan sa mga susunod na mga araw at linggo. Siguro, iyan ang dapat na hintayin nating mga kababayan bago sila tuluyang magpasya kung sino ba talaga ang kanilang susuportahan dahil maliban sa magandang ideya siyempre kailangan din na naniniwala silang kaya talagang gawin at ipatupad iyon noong kanilang iboboto at susuportahang kandidato.
CB: On that note, marami pong salamat sa ating senatorial candidate Sorsogon Governor Chiz Escudero. Thank you, Sir!
CHIZ: Salamat, Cely. Sa muli, sa ating mga tagasubaybay magandang hapon po sa inyong lahat.
CB: Iyan po mga kaibigan si Sorsogon Governor, dating Senator Chiz Escudero.