SENATOR JOEL VILLANUEVA (JV): Last but not least, is the gentleman from Sorsogon, no other than Senator Chiz Escudero. I move that he be recognized, Mr. President.
SENATE PRESIDENT JUAN MIGUEL ZUBIRI (JMZ): I—distinguished colleague Senator Chiz Escudero is recognized.
SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Thank you, Mr. President. Ginoong Pangulo, isa ito sa pinakaunang panukalang batas na inihain ko noong ako ay unang naging mambabatas noong taong 1998. This is actually 26-years-old, kung tama ang aking pagkakabilang. Dalawamput anim na taon nang hinihintay ng mga manggagawa, ni minsan hindi pumasa sa magkabilang Kamara. Ngayon lamang pumasa sa isang bahagi ng Kongreso—sa Senado—ang panukalang batas na ito.
Sa mga nagsasabi na ito ay masama para sa ating ekonomiya, magiging inflationary dahil magkakaroon ng pera sa bulsa ang manggagawa, nasaan po sila noong binaba ng Bangko Sentral ang interest rates at nakapangutang ng mas maraming pera ang mayayamang kumpanya kaya dumami din ang money supply at nagka-inflation tayo? Wala namang nagreklamo. Nasaan sila noong binabaan natin ang Corporate Income Tax ng dalawamput limang porsyento? Dumami ulit ang pera ng mga mayayaman, mas maraming perang umiikot noon. Wala naman nagsabing inflationary ito.
G. Pangulo, mga ginagalang kong kasamahan, sa mahabang panahon nagtiis ang ating mga manggagawa dahil binago lamang naman nila ang simpleng depinesyon ng “living wage” sa ating Saligang-Batas. Walang binabanggit na “minimum wage” na kataga sa ating Saligang-Batas. Ang nakasaad sa ating Saligang-Batas ay “living wage” hindi po “minimum wage.” Ang sinabi, dapat magbigay ang Kongreso ng living wage, hindi lamang simpleng minimum wage. Subalit ang naging depenisyon ng DOLE sa kada taon na lamang at dekadang pumasok mula noong pinasa ang Saligang-Batas ay dalawa daw Pilipino sa isang pamilya ang nagtatrabaho. Kaya minimum wage po natin, katumbas kalahati lamang ng living wage talaga na kinakailangan sa kada rehiyon ng ating bansa. Ito ay taliwas at malayo sa katotohanan, G. Pangulo, dahil sa isang pamilya, isa lamang ang nagtatrabaho, minsan isa nga lang hindi pa full-time ‘yung kanyang trabaho.
Ang aking hiling at panalangin, sana bigyan din ng pagkakataon at panahon ito ng Kamara upang magbigyang buhay, pagdebatehan kung kinakailangan, pagbotohan kung kinakailangan. Ang mahalaga at ang importante, ito ay mapag-usapan at bigyan ng pag-asang makapasa. Bilang malayo mang liwanag na tinatanaw ng ating mga manggagawa, liwanag pa rin na puwede nilang pagpulutan ng pag-asa. Puwedeng Kapitan, ika nga, hindi man sa malapit na hinaharap, sa malayong hinaharap man.
Maraming salamat, G. Pangulo, at binabati ko ang mga miyembro Senado sa makasaysayang pagpasa ng panukalang batas na ito.
JMZ: Maraming salamat, Senator Escudero.